Translate

Sunday, July 17, 2016

Eksena sa Bus

April 8, 2016

Eksena sa Bus

Konti lang ang tao nung sumakay ako sa bus terminal.

May lalaking medyo naunang sumakay sa kin. Sa bandang dulo sya pumunta. Habang pumipili ako ng uupuan, napansin kong nakatitig sya sa kin. Di ko magawang salubungin nang matagal ang tingin nya. Pero sa tuwing susulyap ako sa kanya, walang dudang nakatitig pa rin sya. Umupo na ko. Mga ilang upuan ang layo sa kanya. Ilang minuto pa, dumami na nag sakay ng bus. May tumabi na rin sa akin. Umandar na ang bus.

Pagdating sa Dau bus stop, bumaba na ang katabi ko at marami pang sakay ng bus. Ako naman ay bumaba para magyosi. Maya-maya, napansin kong nagyoyosi na rin sa tabi ko yung lalaki kanina. At nakatitig na naman sya. Iba na talaga to.

Kahit pahapyaw lang ang mga tingin ko, di nakalampas sa mga mata ko na mapansin ang mapupula nyang labi. Malinis syang tingnan. May kaputian ang balat. Naka-cap. May konting facial hair. At tinitingnan nya talaga ako.

Ubos na ang sigarilyo ko. Umakyat na ulit ako sa bus, pero sumulyap pa ulit ako sa kanya nung nasa may pintuan ako. Nagsalubong ulit mga mata namin.

Ilang sandali pa at sumakay na rin sya. Bakante ang upuan sa tabi ko. At tumabi sya sa akin. Kalong nya ang bag nya. At di ako mapakali. Magkadikit ang mga braso at hita namin. Malamig ang aircon at maya't maya ay nanginginig ang katawan ko. Bahala na kako.

Pinatong nya ang kaliwang kamay nya sa hita nya. Mahahaba ang mga daliri. Malinis ang kuko. Ginaya ko sya. Pinatong ko rin ang kanang kamay ko sa hita ko. Gahibla na lang ang pagitan ng mga kamay namin. At patat-malisya kong dinikit ang hinliliit ko sa hinliliit nya. Dahan dahan ko yung ginalaw. Naghihintay ako ng hudyat. Ng kaunting senyales ng paggalaw rin ng daliri nya. Sinagot ng daliri nya ang pagkiskis ng daliri ko. Yun na ang hudyat.

Dahan-dahan kong ipinatong ang kamay ko sa kamay nya.

At yun na ang simula.